Napakarami ko ng narinig na kwentong kababalaghan at katatakutan, magmula sa kwentong probinsya hanggang sa kwentong ciudad.
Hayaan nyong magbigay ako ng bahagya (snippet) ng mga kwentong ito na para sa aking sariling opinyon ay mga legit na nakakatakot, ang mga iba ay kwentong aking mga kaibigan at kakilala, at ang iba naman ay sarili kong saksi.
Story # 1
Kwento ito ng barkada kong si Paulo Torres nung syay asa high school palang sa Don Bosco, ayon sa aking rekoleksyon, isang araw sa oras ng uwian sa hapon habang nagaantay sa mga sundo, ang mga magbabarkadang lalaki ay napagtripang maglaro ng spirt of the glass, sa hindi inaasahang pagkakataon, isa sa mga barkada nya ang sinapian di umano ng ispiritong ka nilang nakausap, ang mga sumusunod na pagkakataon ay makapanindig balahibo.
Ayon sa kanya, ang barkada nyang teen-ager na nasaniban at that time ay nagmukang matanda at sa bawat dinadaan nya ay natutumba ang mga silya na para bang merong ispiritong nagtataboy, at nagsasaad ng wikang hindi nila maintindihan.
Sa takot, tinawag nila si manong guard, na sya naman tumawag sa mga magulang nila para ipaalam ang nangyare, ang isa sa mga magulang ay dinala sila sa manggagamot sa may bandang santa mesa, ayon sa pagkwento nya, isang Alemang sundalo daw ang sumanib sa kanilang kaibigan, ilang taon din daw syang gumagamit ng banyo ng nakabukas ang pinto at ilaw, gayon din ng pagtulog sa kwarto ng kanyang magulang.
Story # 2
Kwento ito ng barkada kong si Atty. Renato Paraiso, ayon sa kanya, kasama ang kanyang mga college friends, sila'y nagbalak na mag group study sa isang lumang bahay sa may new manila, syempre sa ganyang panahon, lahat ay mapusok sa pag subok sa mga bagay na mistulang bawal.
Habang sila'y nagiinom, napagtripan din nilang mag laro ng spirit of the glass, ayon sa iba, marami ang naging skeptic nuong naglaro sila, pero lahat ay tumahimik ng umandar ang baso sa sariling kusa.
Sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, lumagpas ang baso sa lamesang nilalaruan at nabasag sa sahig, lahat ay nagimbal at natahimik, ang akala nila ayos na ang lahat, pero makalipas ang ilang minuto, nagulat ang lahat ng narinig nilang sumigaw ang isa nilang kaklase na nauna ng natulog ng nagiisa, sa mga isang kwarto sa ikalawang bahagi ng bahay.
Lahat ay tumakbo papuntang hagdanan, lahat ay nahinto at nagimbal sa nasaksihan, ang kanilang kaklaseng babae at bumababa sa hagdan ng nakaliyad.
Ayon sa kanyang kwento, mahirap kong idescribe sa tagalog kaya sa english ko nalang, she went down the stairs in a bent position, the only part of her body that's in normal postion when someone's going down in a plight of stairs is from knee down, everything is bent.
Dahil sa panic, tumawag sila ng pulis, habang nirerestrain daw nila ang kanilang kaklaseng babae sa upuan, pumasok daw ang tinawag na pulis sa bahay ay kinausap ang sinasanibang babae.
'ANONG KAGULUHAN TO?' patanong na sigaw ng pulis, 'NAG DRUDRUGS BA KAYO?' madaling sundot ng mamang pulis.
Daglian daw sumagot ang kaklaseng sinaniban sa pulis, at lahat ng nakarinig sa boses ay natakot, dahil nagboses lalaki daw ito, pero ang kagimbal-gimbal ay ang mga binatawang salita nito.
'PUTANG INA MO! MORTAL KA LANG! WALA KANG MAGAGAWA DITO!'
Dali-dalian daw lumabas ang pulis at sa kanyang pagbalik, ay pari na ang kanyang bit-bit, para paalisin ang sumanib sa dalaga.
Story # 3 (personal experience)
Nataon ng nakaburol ang kamamatay lang na kapatid ng barkada ko ay sya ring birthday ko, dahil kitang kita ko ang lungkot sa mga mata ng barkada ko, niyaya ko itong lumabas muna at uminom kahit mga 2 bote lang beer sa di kalayuang gimikan (timog).
Kasama ang ilang barkada, kami'y nagtungo sa tambayan nameng mga magbabarkada sa timog, na sarado na ngayon (dencio's tabi ng gerry's grill).
Makailang bote pa lang kame ay tinawagan na ang barakada ko at pinapapabalik na sya sa burulan, ang ilan ay naiwan, at nagpasya kameng ihatid sya sa burulan, kasama ang 3 pang barkada ko.
Dalawa sa mga ito ay idrodrop off namen sa may BIG SHOT ang sikat na bilyaran sa may bandang delta, nuong pababa na sila, sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, nagrebulusyon ng mag isa ang oto, na animoy merong umapaak sa selinyador nito.
Sa akalang itoy naipit lang, bumaba ako ng sasakyan at binuksan ang hood para tingnan kung merong naipit o anu man.
Mejo matagal na akong nagmamaneho at mejo may alam naman ako sa makina, at ayon sa aking sariling kakayahan, kung maiipit man ang selinyador itoy tutuloy tuloy at hindi paputol putol na parang merong umaapak.
Pinatay ko ang makina at nakiusap ng tahimik sa kapatid ng barkada ko na tigilan na ang panankot at ihahatid ko na ang kuya nya, kasunod ng isang matimtim na Our Father.
Nung pag andar ko sa oto ay back to normal na ito, mula bigshot hanggang araneta ave, lahat ng sakay ng oto ay tahimik, walang naguusap at walang nagkwekwento.
Pag dating namen sa burulan, ay agad akong dumirecho sa kabaong at nagalay ng maikling dasal at humingi ng tawad sa nakaburol, at nakiusap na rin na wag kaming takutin sa pagbalik, kase ang usapan, ihahatid lang namen ang barkada ko tapos babalik kame sa inuman para kunin ang mga natitirang barkada.
Pagbalik, lahat ng bintana ay bukas, ang radyo ay nasa full volume, at ang rearview mirror ay nakababa.
Pagtapos ikwento lahat sa barkada ang nangyare at nakabalik na sa burulan, naikwento ng barkada ko, habang sariling nagrerebulusyon ang oto ay asa loob nya ito, para bang merong mabigat na bagay, na animoy taong nakayakap sa kanya para hindi sya makakilos, dahilan na rin ng hindi nya pagbaba sa oto, ng lahat kame ay bumaba para tingnan kung ano ang sira.
Story # 4 (personal experience)
Habang kame ng asawa ko ay nag vivideo call sa SKYPE, dalawang beses kong nakita ang namayapang kambal ng aking biyenan, si tita ising, na dumaan sa likod ng asawa ko papunta sa isa sa mga kwarto ng bahay nila sa Olongapo. Nuong una, ang buong akala ko lang ay namalikmata lang ako, pero sa pangalawang pagkakataong pagdaan nya, para bang bahagya syang tumigil para akoy lingunin at tingnan.
Dali-dali kong inutusan ang asawa kong bumaba at iwan ang computer ng walang tanong-tanong, dahil alam ko naman kung gaano ka praning ang asawa ko pagdating sa mga ganitong bagay.
Marahil ay nagpaalala lang si tita ising dahil, matagal tagal na din kameng hindi nakapag alay ng dasal at nakadalaw sa kanyang pundot, kaya nuong pag uwi ko, walang alinlangan sya kagad ang una sa listahan kong gagawin sa Olongapo.
Story # 5
Kwento ito ng aking Lolo nung syay nabubuhay pa, dahil sa probinsya ito nakabase, at usung uso rito ang carpool sa lumang jeep, kung merong mga pupuntahang piyesta, kasal, burol, etc sa mga mejo kalayuang barangay sa probinsya namen.
Ayon sa aking pagkakatanda sa kwento, hindi ko matandaan kung pauwi na o papunta palang sila sa isang okasyon na kung saan dadaan sila sa aming lumang simenteryo.
Habang tinatahak nila ang daan, meron daw pumara sa kanilang mamang nakabarong na nakiusap na makikisabay.
Marahil na rin siguro dati ay hindi pa uso ang holdapan o kung anu mang mga masasamang pangyayre ngayon, lahat ay pumayag na makisiksik ang pobreng matanda, at along the way naman ang pupuntahan ng matanda.
Pero laking gulat ng lahat nung sumakay ang matanda ay nagsimulang mahirapan ang jeep na umarangkada na para bang meron itong limang libong taong sakay, nagtaka ang lahat pero hindi nila ito pinansin.
Pagkalakpas daw ng lumang simenteryo, hindi ko na rin matandaan kung ang matandang nakisabay o isa sa mga kasama nila ang nagpahinto sa sasakyan para umuhi, sa gulat ng lahat, bigla nalang daw nawala ang matandang nakisabay, at sa kanilang pag andar, tilay nawala din ang mabigat na sakay ng kanilang sasakyan.
Story # 6 (personal experience)
Nuong kame ay mga binata pa, ako at ang aking barkada ay nakatsamabang makagoyo ng kainumang babae gamit ang txt sa tv. (hindi ko na alam yung tawag duon)
Pagtapos sunduin, ay naisetup na ang aming session, sa kalagitnaan ng masarap na kwento, biglang natahimik ang barkada kong lalake habang nakatitingin sa badang likuran ng isa sa mga kainuman nameng bagong barkada.
Biglang tinanong ng barkada ko ang babae, 'may kilala ka bang lalake, na ang gupit ay parang kay aguinaldo, tapos malaki ang katawan, at mejo mauban-uban na ang buhok?'
Sumagot ang babae na punong puno ng pagtataka sa narinig, 'OO, close ko sya, sya yung tumayong tatay ko, Uncle ko, pero kamamtay nya lang last week, na disgrasya, paano mo nalaman?'
Balik na tanong nito sa barkada ko, 'kanina pa sya nakatayo sa likod mo e', kasing bilis ng pagsagot ng barkada ko sa tanong ng dalaga ang syang pag takbo ko sa labas ng bahay nila.
Ay ending, hindi na namen tinapos ang inuman ay inihatid ang bagong kaibigan sa kanilang tahanan habang itoy humahangos sa iyak.
Story # 6 (may ugnay sa Story # 3)
Isa na lang sa mga barkada ko ang hindi pa nakakapunta sa burol ng kapatid ng barkada namen, ayon sa kanya, half-hearted syang magpunta dahil na rin sa takot at denial sa masamang balita.
Isang gabi, syang nanaginip na dinalaw ng namatay na kakilala, kinabukasan syay nagpunta sa burol, lahat ay nagulat dahil very vocal sya sa hindi pagpunta sa burol.
Bago ito lumapit sa kabaong, kinuwento nya muna sa lahat ang dahilan kung bakit sya biglang napapunta sa burol, dahil sobrang colorful ang barkada nameng ito, lahat ng nagnyare sa panaginip ay kanyang dinatalye, mula sa hitsura hanggang sa suot ng namayapa.
Lahat ay natahimik pagtapos ng kanyang kwento at inutusang puntahan na ang nakaburol, sya'y nagtaka kung bakit tila lahat at natakot sa kanyang kwento.
Nung kanyang lapitan ang nakaburol ay iba ang histura nito, di hamak na mas maayos kesa sa kanyang panaginip.
Sa kanyang pag balik, tinanong kame kung bakit kame natakot nung idinatalye nya ang kanyang panaginip.
Sumagot ang kapatid ng namayapa na ang lahat ng kanyang nakita sa panaginip ay ang dating itsura ng kanyang kapatid, bago ito muling ayusan ilang oras lang nakakalipas.
Sa pagkakataong yun, ay ilang linggong hindi natulog ng magisa ang barkada ko sa kanilang bahay o kung wala mang mahatak na samahan syang matulog ay sa ibang kaibigan o kakilala sya nakikitulog.
(ang mga nabanggit na istorya ay hango sa saling dila at sariling experience ng may akda, maaring ang mga saling dila ay tutuong naganap o gawa-gawa lang ng malikot at malikhaing pagiisip, pero isa lang ang sigurado, ang mga istoryang kasama ang may akda ay hindi gawa ng malikot at malikhaing isip)
Sorry Pero Hindi Kita Maintindihan. Apir!
TumugonBurahin