Ilang araw lang ang nakakalipas ng unang atakihin ng hika ang aming unica hija ng walang kaabog-abog, walang sensyales ika nga.
Dati rati kase pag sinusumpong sya ay uunahan muna ng walang puknat na ubo kaya kame ay somewhat handa na.
Pero nitong huling araw e bigla biglaan lang, natutulog kame at nagising nalang si misis na naghahabol na ng hininga ang aming mikaela.
Ako ay napraning dahil ganun na ganun ang eksena nung siya ay nag seizure sa ospital, pre-shunting nya for hydro, lahat tulog katabi nya si misis at parang may nanggising kay misis dahil inaatake si mikay.
Karipas pababa ng bahay para kunin ang kanyang inhaler para sa kanyang hika, parehas din ng scenario nung akoy kumaripas ng takbo palabas ng kwarto namen papuntang nurse station para humingi ng tulong 2 taon na ang nakalilipas.
Bumalik ulit sa akin ang takot na naramdaman ko nung sya ay inatake, hindi na naman ako makatulog at pinagmamasdan kung siya ay humihinga pa. Praning na kung praning pero hindi nyo ko marahil masise.
Nang hindi ko na makayanan ang aking kapraningan ay pinuwersa ko ng ipunta si mikaykot sa ER para mawala ang aking kaba.
Alas singko ng madaling araw dali daling nagpunta ng ospital para ipasuri ang unica at buti nalang wala ng narinig ang mga doktor na hissing sound sa kanyang paghinga. Salamat sa Diyos.
Hindi ako praning na tao at hindi rin ako taranta. Kesehodang may nagpapatayan o may mga bumabagsak na tipak ng bato sa gilid ko ay hindi ako magkukumaripas ng takbo. Pero pag dating sa aking anghel, ay ibang usapan na.
Pagtapos nito ay alam ko na ang tanging hiling ko sa pasko, at gaya ng sa mga nakaraaang pasko, sanay ilayo at alisin na ang mga sakit ni mikaela.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento